274

Apr 11, 2019 @ 17:47
By

Dalagita nagbigti sa rooftop sa QC

Nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti ang 16-anyos na babae sa ika-siyam na palapag o rooftop ng tinitirhang gusali sa Quezon City.

Sa inisyal na report, alas-5:30 ng umaga ng Abril 10 nang makitang nakabigti si Erika Mae Regalario Tengco, 16, estudyante, sa rooftop ng kanilang tinitirhan sa No. 404 Delsa Mansion Homeowners, Inc., na matatagpuan sa Scout Borromeo cor., Torillo, Brgy. South Triangle sa nasabing lungsod.

Batay sa pahayag sa imbestigador ni Melvin Regis Boco, security guard sa mansion homeowners, nagsasagawa siya ng roving inspection nang maispatan niya ang nakabigting dalagita.

Nang lapitan niya ito ay nakita niyang nakapulupot sa leeg ng dalagita ang dilaw na nylon rope na itinali sa metal stair sa ika-siyam na palapag ng rooftop ng nasabing gusali.

Agad namang ipinagbigay-alam ng guwardiya ang natagpuang dalagita kay Tina Velayo, building administrator, na nag-report naman sa kanilang barangay at sa kalapit na himpilan ng pulisya.

Ayon sa mga nagrespondeng SOCO, wala silang nakitang external injury maliban sa marka ng tali na ipinulupot sa leeg ng dalagita.

Dinala na sa PNP crime laboratory sa Camp Crame ang bangkay upang isailalim sa awtopsiya.

Nabatid na hanggang sa isinusulat ito ay wala pa rin ni isa man sa pamilya ng dalagita ang dumating sa crime lab.

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa pagpapatiwakal ng dalagita dahil wala itong iniwang suicide note.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?