112

Jul 17, 2019 @ 14:35
By

Dalaga timbog sa P8.8M shabu

Arestado ang isang 21-anyos na babae sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya kung saan nakuhanan ito ng nasa 1.3 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P8.8 milyon sa Cebu City, Miyerkoles ng madaling-araw.

Kinilala ang nadakip na si Judy Ann Longit, residente ng Barangay Duljo Fatima ng nabanggit na lungsod.

Ayon kay Police Brig. General Debold Sinas, regional director ng Police Regional Office 7, nadakip ang suspek alas-12:30 ng hatinggabi sa buy-bust operation ng pulisya laban sa suspek.

Nabatid na gamit ang isang P1,000 na marked money at P10,000 boodle money ay nakipagtransaksyon ang isang police poseur buyer sa suspek na kinagat naman ng huli at nagkita sila sa isang lugar sa Barangay Duljo Fatima ng lungsod na ito.

Matapos na magkapalitan ng iligal na droga at pera ang suspek at poseur buyer ay agad na inaresto ng pulisya ang suspek at nakuha rito ang isang malaki at medium size na plastic bag na pinaglalagyan ng pinaniniwalaang shabu at nakasilid sa isang paper bag.

Dinala ang mga nakumpiskang droga sa PNP Crime Laboratory 7 upang suriin habang kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Cebu City detention cell habang inihahanda aang kasong isasampa ng pulisya laban dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?