99

Dec 26, 2017 @ 19:22
By

Dalaga nanlaban sa ‘motornapper’, binaril

Sugatan ang isang babae matapos na barilin ng tatlong carnapper nang manlaban ito dahil inagaw ang kanyang motorsiklo sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat nina PO2 Rocky Binayug at PO2 Junny Delgado, ng Malabon City Police, ganap umanong alas-otso ng gabi nangyari ang insidente sa kahabaan ng Maya-Maya St., Barangay Longos.

Kasalukuyang nakatambay at nakaupo sa kanyang motor na Mio Sporty habang hinihintay ang kanyang kaibigan sa tapat ng bahay nito ang biktimang si Rachel Ginieto, 26, dalaga, at residente ng Dalagang Bukid St., ng nasabi ring lugar.

Dito dumating ang tatlong lalaki na lulan ng motorsiklo saka sapilitang inagaw ang susi ng Mio Sporty sa biktima.

Lumaban ang dalaga kaya’t pinaputukan siya sa kaliwang paa ng mga salarin at naitakbo ang pakay na motor ng biktima.

Naisugod ng kanyang hinihintay na kaibigan ang biktima sa Ospital ng Malabon.

Nasa pang-apat na kaso na ito ng mga insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo sa lungsod.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?