4,046

Oct 25, 2019 @ 18:08
By

Dalaga ginahasa sa harap ng ina

Ninakawan muna bago hinalay ang isang 26-anyos na babae sa loob ng kanilang bahay, Huwebes ng madaling-araw sa Las Piñas City.

Base sa ulat ng Southern Police District (SPD), itinago sa mga pangalang Rose, 60, at Rosalyn, 26, ang mag-ina, na taga-Barangay Manuyo Dos ng nabanggit na lungsod.

Halos hindi naman makausap ang mag-ina at nanginginig lalo na ang dalagang biktima dahil sa dinanas sa dalawang suspek.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin na sakay ng isang motorsiklo na walang plaka.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Las Piñas City Police, alas-tres ng madaling-araw nangyari ang pagnanakaw at panggagahasa sa loob ng bahay ng mag-ina.

Lumabas sa imbestigayon, mahimbing na natutulog ang mag-ina nang biglang pumasok ang dalawang suspek na armado ng baril at sapilitang kinuha ang mahahalagang gamit ng mga biktima gaya ng pera at mga alahas.

Subalit bago tumakas, isa sa mga suspek ang agad tinutukan ng baril ang dalagang si Rosalyn at pinahubad ang damit at walang awa umanong ginahasa sa harapan ng kanyang ina.

Matapos ang ginawang panghahalay, mabilis na tumakas ang dalawang salarin sakay ng isang motorsiklo sa hindi batid na direksiyon.

Agad namang humingi ng tulong ang mag-ina sa kanilang barangay hall subalit mabilis na nakalayo at nakatakas ang mga salarin.

Isinailalim na sa medical examination ang biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?