1,570

Jun 8, 2019 @ 16:37
By

Dalaga ginahasa bago ginilitan sa QC

Mistulang manok ang 18-anyos na babae matapos gilitan sa leeg at hinihinalang ginahasa pa sa Brgy. Payatas, Quezon City, Biyernes ng hapon.

Nakilala ang biktima na si Allison Dacillo, residente ng La Trinidad St., Brgy. Payatas B.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District-Batasan Police Station 6, alas-singko ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kaniyang tahanan na may mga malalalim na saksak sa leeg, kaliwang braso at kanang tagiliran.

Batay sa pahayag sa pulisya ng testigong si Alonica Alba, residente rin ng naturang barangay, nakaamoy umano siya ng masangsang mula sa loob ng silid ng biktima.

Napuna umano ni Alba na bahagyang nakaawang ang pinto ng silid kaya naisipang sumilip doon at dito na bumulaga sa kaniya ang duguang bangkay ng biktima, na nasa ibabaw ng higaan at walang saplot pang-ibaba.

Agad namang humingi ng tulong sa mga kapitbahay si Alba at saka nila ini-report sa barangay at pulisya ang natuklasan.

Ayon kay P/Lt. Col. Joel Villanueva, hepe ng Police Station 6, lumitaw sa kanilang imbestigasyon na Biyernes pa ng tanghali nang huling makitang buhay ang biktima ng kaniyang mga kapitbahay.

Natukoy din na isang Grade 10 student ang biktima at mag-isa lang na nakatira sa bahay dahil nasa ibang bansa ang kaniyang mga magulang.

Dagdag pa ni Villanueva, magulo ang bahay ng biktima at posibleng pinasok ng hindi pa nakikilalang suspek habang natutulog ang dalaga.

Isasailalim din sa awtopsiya ang bangkay upang matukoy kung ginahasa nga ito bago pinatay dahil na rin sa wala itong saplot pang-ibaba nang matagpuan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?