1,453

By

Dahil sa war on drugs, ‘Pinas pang-apat sa pinakamapanganib na lugar sa mundo para sa mga sibilyan

Pasok ang Pilipinas sa listahan ng mga mapanganib na lugar para sa mga sibilyan dahil umano sa ‘targeted attacks’ na resulta ng pamamahala.

Sa inilabas ng Armed Conflict Location and Event Project (Acled), isang US-based research at analysis group, na sumunod ang Pilipinas sa Yemen na kasalukuyang may nagaganap na digmaan.

Ayon sa analysis ng Acled nitong Hulyo 3, pang-apat ang ‘Pinas sa listahan ng mga delikadong lugar para sa mga sibilyan dahil sa itinatag ni Pangulong Rodrigo Duterte na war on drugs kung saan halos three-fourths ng mga pinatay na sibilyan ay dahil rito.

Nakita sa report na simula pa lamang ng 2019 ay mayroon ng tinatayang 490 sibilyan ang namatay dahil sa ‘targeted attacks’.

Ang Pilipinas diumano’y nananatiling isa sa pinakadelikadong lugar sa mundo para sa mga mamamayan simula pa noong 2014.

Itinuturo naman nito na ang war on drugs ng Pangulo ang namuno sa karahasan kung saan halos 75 percent ngayong taon ang pinatay dahil sa umano’y pinaghihinalaan ang mga ito bilang drug suspect.

Dagdag pa nito, pumapangalawa sa drug suspects ang mga opisyal ng gobyerno sa mga tinatarget na sibilyan nitong 2019 kung saan madalas na kapwa nila opisyal ang pumapatay.

Anila, “After drug suspects, government officials were the second most targeted civilian group in 2019, often targeted by their political rival.”

Matatandaang marami ang naganap na political killings bago pa man naganap ang mid-term elections noong nakaraang Mayo 13.

Naging kataka-taka umano ang pagkakaroon ng political violence sa bansa matapos umupo si Duterte bilang presidente noong 2016.

Ayon sa Acled, maliban sa mga drug suspect at mga opisyal, napapabilang din ang mga miyembro ng political parties, leftist organizations, land activists, mga magsasaka, mga abogado, at mga hukom sa mga nakakaranas ng karahasan.

Samantala, nanguna sa listahan ng mga mapanganib na lugar para sa mga sibilyan ang India, sumunod ang Syria, at pangatlo naman ang Yemen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?