18

Oct 20, 2020 @ 17:05
By

Dahil sa utang ng PhilHealth sa PRC: Mga OFW naiipon sa Metro Manila – DOLE

Doble ang kinakaharap na kalbaryo ngayon ng mga umuwing overseas Filipino worker (OFW) matapos itigil ng Philippine Red Cross ang swab testing sa mga umuuwing Pilipino mula sa ibang bansa dahil sa halos isang bilyong pisong hindi nababayaran sa kanila ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na dahil sa pagtigil ng serbisyo ng Philippine Red Cross ay bumagal din ang proseso ng COVID test sa mga OFW.

Kung dati aniya ay nasa 1,000-3,000 ang nasusuri kada araw, ngayon ay halos nasa tatlong daan na lamang kaya nadagdagan ang sakripisyo ng mga ito.

Ang mga umuuwing OFW ay bahagi pa rin ng repatriation ng gobyerno sa mga Pilipinong na-stranded sa iba’t ibang bansa dahil sa COVID-19.

Kaya naman maraming kababayan ang hindi kaagad makauwi sa kanilang mga probinsiya at nagtatagal sa mga hotel na pinagdalhan sa kanila ng gobyerno dahil hindj agad mailabas ang resulta ng kanilang swab tests.

“You can just imagine how many OFWs are now stranded in Metro Manila. Iyon ang problema namin, and they are staying longer,” ani Bello.

Dati aniya ay tatlo hanggang apat na araw lamang ang inilalagi ng OFWs sa mga hotel, pero ngayon ay inaabot na ng mahigit isang linggo kaya hindi biro ang gastos dito ng gobyerno.

“That’s our problem in terms of expenses and in terms of taking care of our OFWs, ang laking problema yan,” dagdag ni Bello.

Umaasa ang kalihim na malulutas sa lalong panahon ang problema ng Philhealth sa Red Cross para maibalik ang mabilisan at maramihang COVID tests sa mga umuuwing OFW.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?