1,897

By

Dahil sa Raptors: McDo Canada nalugi!

Sa tuwing nagbabaga ang kamay ng mga Toronto Raptors player, nagdidiwang ang kanilang mga Canadian fan dahil sa kakaibang dahilan.

Ito ay dahil sa libreng french fries.

Sa kasunduan ng koponan at ng fast food chain, mamimigay ng libreng medium french fries ang McDonalds sa kanilang mga branch sa Eastern Canada sa tuwing makakaabot sa 12 three-pointer ang kanilang mabubutas sa isang laro.

Ayon sa Financial Post, nasa 700,000 na libreng french fries ang inaasahang maibibigay ngayong season, ngunit sa biglaang pag-angat ng Raptors, umabot na sa 2 million orders ang kanilang pinabaha sa mga residente na karamihan ay mula Ontario.

Noong ikinasa ang nasabing kasunduan, hindi pa nasemento ang Demar DeRozan-Kawhi Leonard trade, na tila naging dahilan din ng biglaang pagkakamot ng ulo ng McDonalds.

Ngayong season ay 44 na beses nakagawa ng doseng tres sa regular season, lumobo pa ito sa sampu sa playoffs at posibleng madagdagan pa dahil ‘di pa tapos ang serye ng Raptors kontra Golden State Warriors.

Ayon naman kay Mike Forman, isa sa franchise owner sa Ontario, naniniwala ito na bagama’t nalulugi sila sa kita dahil sa libreng pakain, inaasahan nitong magbubunga ang kanilang sakripisyo dahil kinakailangang gamitin ang kanilang app na makakaengganyo sa mga customer na bumili, at syempre maabot din ng Raptors ang tuktok sa kauna-unahan nilang salang sa Finals.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?