9

Feb 16, 2021 @ 14:02
By

Dahil sa quarantine, P2.8B nawawala araw-araw sa kita ng mga manggagawa

Malaking halaga ang nawawala sa kita ng mga manggagawa araw-araw dahil sa ipinatutupad na community quarantine simula pa noong March 2020.

Sa regular na mensahe sa bayan ni Pangulong Rodrigo Duterte, iniulat ni National Ecnomic and Development Authority (NEDA) acting Secretary Karl Kendrick Chua na P2.8 billion pesos ang nawawala sa kita ng mga manggagawa araw-araw at umabot na sa P1.04 trillion ang total income loss simula noong March 2020.

Ang mga ordinaryong manggagawa aniya ang matinding tinamaan dahil sa mga nagsarang negosyo dulot ng epekto ng pandemic.

“Iyong ating quarantine restriction na ginawa since March 2020, ang nadulot po nito na total income loss na 1.04 trillion pesos in 2020. So on average po araw-araw, 2.8 billion pesos po ng mga sahod, ng mga kita ang nawawala,” ani Chua.

Dahil dito, inirekomenda ng kalihim kay Pangulong Duterte na kailangang ibalanse ang ekonomiya at pagkontrol sa COVID-19 dahil batay aniya sa obserbasyon ay hindi na tumataas ang mga COVID case sa bansa.

Inihirit ni Chua sa Presidente na palawakin ang public transport mula 50% hanggang 75% para mas maraming manggagawa ang makabalik sa trabaho.

Napansin aniya ng NEDA na kulang ang public transport kaya mahalagang madagdagan ito para mas maraming manggagawa ang makabiyahe.

“Kulang po yung public transport natin so we propose with further proper safeguards na i-further expand natin yung public transport from 50-75 percent para mas marami ang makabalik sa trabaho,” ani Chua.

Maging ang mga biyahe mula sa probinsiya ay hiniling ng NEDA na payagan nga ng kanilang operasyon para makabalik sa lungsod ang mga manggagawang umuwi sa mga probinsiya noong nagpatupad ng lockdown.

“Nakita po namin na kulang po iyong inter-province bus operation natin. Marami pong mga manggagawa iyong nag-ECQ, bumalik po sila ng probinsiya. Ngayon po, hindi sila makabalik ng ganap sa kanilang trabaho,” dagdag ni Chua.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?