155

Jan 31, 2020 @ 15:46
By

Dahil sa nCoV, pila para sa face mask blockbuster na

Hindi magkamayaw ang mga Pinoy na umaasang makabili ng surgical at N95 face mask, isang araw matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng novel coronavirus (2019-nCoV) sa bansa.

Sa kuha ni Abante photojournalist Jonas Sulit, makikitang ‘di mahulugan ng karayom ang mga customer ng nag-iisang tindahan na may face mask sa Bambang Street sa Sta. Cruz, Maynila.

Naglipana na rin ang mga pabatid na wala nang binebentang face mask sa mga tindahan sa lungsod.

Kahapon nagsimula ang panic buying ng face mask ng mga mamamayan sa Bambang Street, kung kaya naubusan na rin ang mga Angkas rider, ayon sa ulat ni Abante photojournalist Patrick Adalin.

Mahaba na rin ang pila sa Rose Pharmacy sa Cebu City, ayon kay netizen McDaven Wee (@AshMcKie13).

Sinabi ni Department of Health (DOH) epidemiology bureau head Dr. Ferchito Avelino kaninang umaga, Enero 31, na mayroon nang 56 patients under investigation (PUI) kaugnay sa 2019-nCoV sa bansa.

Pinag-utos na rin ngayong araw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang travel ban sa mga biyaherong galing ng Hubei Province sa China.

Sa Hubei matatagpuan ang Wuhan City na pinagmulan ng 2019-nCoV outbreak.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?