1,274

Oct 8, 2021 @ 17:57
By

Dahil sa Marcos na naman? Isko kinuwestiyon motibo ni Leni

Kinuwestiyon ni Manila Mayor Isko Moreno ang dahilan ni Vice President Leni Robredo sa pagtakbong pangulo, na nakabatay aniya sa pagpigil na makabalik sa kapangyarihan ang mga Marcos.

Ito ay matapos sabihin ni Robredo na kabilang sa dahilan ng pagsali niya sa presidential race ang pananaw ni Moreno sa pagkandidato ni dating senador Bongbong Marcos.

Ayon kay Moreno, dapat ang dahilan ni Robredo ay ang paghihirap ng mga Pilipino.

“‘Yung lang ba ang dahilan kung bakit siya tatakbo? Dahil lang laban sa mga Marcos na naman. Paano naman kaming mga Pilipino, wala kaming trabaho? Maraming Pilipino, nagdidildil na lang ng asin, maraming Pilipino, hindi malaman ano ang naghihintay sa kanila sa kinabukasan. Marcos na naman?” saad ni Moreno.

“Bakit kailangan uminog ang mundo namin ngayon sa away ng Marcos at Aquino? Sa away ng anak ni Marcos, at mga anak at kasama ng yellowtards… ay pink na pala sorry,” dagdag niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?