53

Feb 6, 2020 @ 14:31
By

Dahil sa hinanakit, ginang sinaksak habang tulog

Todas ang isang ginang matapos pagsasaksakin habang natutulog ng dating kinakasama ng kanyang anak sa Barangay San Antonio, Aglipay, Quirino noong Martes.

Nakilala ang biktima na si Mercedes Cabatic, 54, ng nasabing barangay habang ang suspek ay si Rustom Dingli, ice cream vendor, ng Pinaripad Sur, Aglipay, Quirino.

Base sa report ni Aglipay Municipal Police Station (AMPS) commander P/Capt. William Agpalza, bago naganap ang pananaksak, ang biktima ay nanonood ng telebisyon sa sala ng kanilang bahay hanggang makatulog.

Ayon kay Agpalza, hindi alam ng biktima na bukas ng pintunan ng bahay kaya nakapasok ang suspek na sumaksak sa leeg at dibdib niya.

Sinabi ng nakatatandang anak ng biktima na si Ronnel Cabatic, narinig niyang sumigaw ang kanyang ina at sinasabing papatayin siya ng suspek kaya nagtungo siya sa kanilang sala at nakita ang duguan nang ina.

Nakita rin niya ang paalis na si Dingli na lulan ng isang motorsiklo.

Dito agad na nagsumbong si Ronnel sa AMPS, at nahuli si Dingli at nang tanungin ng mga pulis ay sinabi niya na nagawa niyang patayin ang biktima dahil sa kanyang sama ng loob.

Ayon sa pulis, ang biktima ang sinisisi ng suspek kung bakit siya hiniwalayan ng kaniyang kinakasama at pinagbabawalan umano siyang makita ang kanyang mga anak na nasa poder ng ginang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?