173

By

Dahil sa girian sa lupa, pastor niratrat ng katiwala

Patay ang isang pastor matapos pagbabarilin ng caretaker ng kanyang tinitirikang lupa sa San Juan, Batangas, Lunes ng gabi.

Agad nasawi si Renato Yangzon Remigio, 30 anyos, residente ng Sitio Macalintal, Barangay Calubcub 2, na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Ang biktima ay pastor ng Jesus Alone Church Mission International sa San Juan, Batangas.

Batay sa ulat ng San Juan police, nakaupo sa harap ng kanyang bahay si Remigio nang ito ay malapitang barilin ng suspek na si Edwin Triviño, alas-8:45 ng gabi, Oktubre 28, 2019.

Usapin umano sa lupang tinitirikan ng bahay ng biktima ang tinitingnang motibo sa krimen.

Ayon pa sa ulat, si Triviño ay katiwala ng Macalintal land properties, na nagpalayas noong 2018 ng mga residenteng naninirahan dito para sa gagawing development sa lugar.

Gayunpaman, nagmatigas at hindi umalis sa lugar ang pamilya ng pastor, at sinampa sa Department of Agrarian Reform ang usapin.

Pinaghahanap na ngayon ng mga pulis ang tumakas na suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?