51

Sep 22, 2019 @ 19:32
By

Dahil sa gang war sa Davao: Binatilyo dedo, 1 pa malubha

Patay ang isang 15-anyos na lalaki habang agaw-buhay ang 13-anyos na isa pa makaraang saksakin ang mga ito ng pinaniniwalaang miyembro ng kalabang grupo sa naganap na gang war kaninang madaling araw sa Bansalan, Davao Del Sur.

Dead on arrival (DOA) sa Mabama Doctors Hospital sanhi ng mga saksak sa katawan si Welmar Arapok, 15, habang kasalukuyan pang inoobserbahan dahil din sa mga natamong saksak ang kasama nitong si Gabriel Jamal, 13, pawang residente ng Barangay Poblacion Dos ng nabatid na bayan.

Sa ulat ni Police Major Rodante Varona, hepe ng Bansalan Municipal Police Station, naganap ang pananaksak pasado ala-una ng madaling araw, Setyembre 22, 2019, sa isang abandonadong bahay sa Poblacion Uno ng nabanggit na bayan.

Agad namang dinala ng ibang mga kasamahan ang mga biktima sa nabatid na pagamutan kung saan dineklarang DOA si Arapok habang malubha naman ang kalagayan ni Jamal.

Kalabang grupo ang itinuturong suspek sa naganap na krimen, subalit hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?