21
jv-ejercito-ginhawa-ng-bayan
By

Dahil sa fuel excise tax sa TRAIN law, lalong humihirap ang buhay

Sharing is caring!

MAHIRAP na nga ang buhay, lalo pang humihirap dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ito ang umiiral na sentimiyento ngayon ng ating mga kababayan at ang paniniwala nila ay dahil ito sa TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) Law.

Noong nagdaang buwan ng Hunyo, pumalo sa 5.2 percent ang inflation rate na pinakamataas sa loob ng nakaraang limang taon.

Hindi man siguro naiintindihan ng ating mga kababayan kung ano ang ibig sabihin nito, basta ang alam nila ay patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin.

Panibagong inflation rate, panibagong panawagan na suspendihin ang mataas na excise tax sa fuel products sa ilalim ng TRAIN law ang ating isasalubong na sana ay pakinggan na ng ating mga economic manager.

Ang mataas na fuel excise tax ang talagang nagtutulak pataas sa presyo ng mga bilihin kaya nga ang mungkahi natin ay ito ang suspendihin dahil ito ang ugat ng pasakit ng ating mamamayan.

Gulapay na ang taumbayan pero kukuya-kuyakoy pa rin ang ating mga economic managers at hindi natitinag…tsk, tsk, tsk.

Kung dati ay kumakalam lang ang tiyan ng ating mga kababayan, siguro ngayon ay “nagrerebolusyon” na dahil halos hindi na malagyan ng laman kasi nga hindi na maabot ang presyo ng mga bilihin.

Ano ba ang sitwasyon ng mga Pilipino ngayon? Maliwanag na sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga presyo, tumaas na rin ang pamasahe, nananatiling mababa ang sahod ng mga pangkaraniwang manggagawa.

Wala namang duda na nagsisikap si Presidente Duterte na iangat ang antas ng kabuhayan ng ating mamamayan.

At hindi tayo tutol sa TRAIN law dahil ang malilikom dito ay gagamitin sa programang imprastraktura na alam natin na susi sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Pero binabaan nga o inalis ang personal income tax sa TRAIN law kung mataas naman ang presyo ng mga bilihin, balewala rin.

Kaya sana ibukas ng economic managers and kanilang mga tenga at pakinggan ang panawagan na suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo para mapigil ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin.

Bukod dito, kailangang humanap ng ibang paraan ang ating pamahalaan upang maitaas ang kalagayang pang-ekonomiya ng ating mga kababayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?