169

By

Dahil sa depresyon, call center agent nagtarak sa puso

Winakasan ng 37-anyos na call center agent ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagtarak ng patalim sa kanyang puso sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi.

Batay sa report kay P/Supt. Joel Villanueva, hepe ng Batasan Police Station (PS6), natagpuang duguan si Enrique Reyes Hugo, 37, sa kanilang tahanan sa No. 13B Fine St., Hobart Homes Subd., Brgy. Matandang Balara, QC.

Nakita si Enrique ng kanyang misis na si Katrina Ruth Jingco Hugo na siyang nagsugod sa Diliman Doctors Hospital sa biktima subalit idineklara itong dead on arrival ni Dr. Jauyrequi Angeles alas-10:09 ng gabi sanhi ng tinamong malalim na saksak ng kutsilyo sa dibdib na tumusok sa kanyang puso.

Sa imbestigasyon ni P/Supt. Elmer Monsalve ng Criminal Investigation and Detection Unit, alas-nuwebe ng gabi, narinig na lamang umano ni Katrina ang malakas na sigaw ng kanyang mister mula sa kanilang silid at nang puntahan niya ay nakita na lamang niya itong duguan nang nakabulagta sa kanilang kama.

Bago ang pagpapatiwakal ay nakita pa umano ni Katrina ang mister na lumabas sa kanilang silid at nagtungo sa kusina subalit hindi niya namalayan na may dala na itong kitchen knife pagpasok muli sa kanilang sa kuwarto.

Ayon kay Katrina, bago ang pagpapatiwakal ng kanyang mister ay dinala pa niya ito sa psychiatrist dahil dumaranas ito ng depresyon gayunman hindi na nito idinetalye ang dahilan.

Masusi namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa umano’y pagpapatiwakal ng nasabing call center agent.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?