1,752
tnt_hontiveros
Dec 15, 2017 @ 11:43

Dahil sa Dengvaxia, ligtas pa ba ang magpa-bakuna?

Dear Senator Risa,

Laman ng balita ngayon ang nakakatakot na isyu ukol sa mga batang naturukan ng Dengvaxia. Dahil dito, ligtas pa bang magpa-bakuna?

Benjie Alberto
Paranaque City

————–

Tunay na nakakabahala ang isyu ng Dengvaxia. Pero hindi tayo dapat pangunahan ng takot. Mahalaga na kargado tayo ng tamang impormasyon para hindi tayo mabiktima ng maling haka-haka at mapangunahan ng takot. Huwag din dapat itong maging dahilan para katakutan o pagdudahan natin ang pagbabakuna.

Nagsimula ang isyu nang naglabas ng advisory ang Sanofi Pasteur, isang French pharmaceutical company, ukol sa anti-Dengue vaccine nitong Dengvaxia. Sinabi nito na may dagdag na panganib ito kung ito ay ibibigay sa mga batang hindi pa nagkaroon ng Dengue. Maaari silang magkaroon ng “severe form of Dengue.” Sinabi ng Sanofi na ang vaccine ay epektibo lamang sa mga batang nagka-Dengue na.

Ang Dengvaxia ay ginamit na vaccine ng ating bansa sa kanyang national immunization program. Batay sa datos ng Department of Health (DoH), ipinatupad ng dating administrasyon ang pagbabakuna laban sa dengue sa mga pampublikong paaralan gamit ang Dengvaxia. Mahigit 700,000 Grade 4 students sa Gitnang Luzon, Calabarzon at National Capital Region ang nabakunahan nito nang di muna tinitiyak kung sino sa kanila ang nagka-dengue na o hindi pa. Sa buong bilang, tinatayang 70,000 ang sinasabing nasa panganib.

Sa ilalim naman ng administrasyong Duterte, ang programa ay pinalawak hanggang Region 7. Lagpas 100,000 batang edad 9-14 ang nabakunahan sa Cebu noong nakaraang taon.

Sa aking palagay, ang pinakamahalaga ngayon ay paano papangalagaan ang kalusugan ng mga apektadong bata. Nanawagan ako sa DOH na gumawa ng isang Luzon at Cebu-wide na database para makilala isa-isa ang mga apektadong bata, saan sila matatagpuan at maihanda ang maaaring kailanganing imprakstratura at medikal na serbisyo. Kailangan itong gawin sa pinakamabilis na panahon.

Bukod dito, dapat singilin ang Sanofi upang magbigay danyos sa mga apektadong bata at kanilang mga pamilya. Kailangan sagutin nila ang lahat na medikal na gastos ng mga apektado.

Kailangan din magpaliwanag ang DOH kung bakit ginamit nito ang Dengvaxia sa kanilang national immunization program kahit di pa tapos ang clinical trials tungkol sa maaring panganib nito.

Sa huli, nananawagan din ako sa ating mga kababayan na huwag pagdudahan at katakutan ang pagbabakuna. Hindi masama sa kalusugan ang pagbabakuna. Kailangan nga ito para mapangalagaan ang kalusugan ng tao. Nakita natin kung paano ito nakatulong para protektahan ang mamamayan sa mga sakit gaya ng polio, tigdas at beke.

Hindi masama sa kalusugan ang pagbabakuna. Ang masama ay ang pagbabakuna na di pa kumpleto ang impormasyon tungkol dito.Ito ang nangyari sa anti-Dengue immunization program ng bansa gamit ang Dengvaxia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?