87

Aug 21, 2019 @ 10:14
By

Dahil sa dengue, Ifugao nasa state of calamity na

Nagdeklara ng state of calamity ang bayan ng Lamut, Ifugao dahil sa dengue outbreak na nararanasan na nagbunga na ng pagkamatay ng dalawang katao.

Ang pagdeklara ng state of calamity ay alinsunod sa rekomendasyon ng Lamut Municipal Health Office at sa kahilingan ng kanilang alkalde na si Mariano Buyagawan Jr.

Base sa Sangguniang Bayan Municipal Resolution Number 2019-10-023, isinaad dito na mayroong nangyayaring dengue epidemic sa 18 na mga barangay sa buong bayan ng Lamut.

Ayon sa resolusyon, nakakaalarma na ang datos at nagpapakita ng mga ebidensiya na nagkakaroon na ng dengue outbreak sa munisipalidad.

“The municipality recorded the occurrence of dengue epidemic in the 18 barangays with two fatalities in one of the barangays,” ani ng resolusyon.

Sinabi ng mga opisyal ng local government unit, may limang porsiyento sa annual budget ng munisipyo na nakalaan para sa calamity fund.

Ang nasabing pondo ay magagamit para sa quick response para mabigyang-lunas ang dengue outbreak sa nasabing lugar.

Samantala, nakapagtala ang Department of Health – Cordillera ng 4,704 na kaso ng dengue sa Cordillera Administrative Region, at siyam na namatay.

Nakapagtala ang probinsya ng Ifugao ng 478 kaso ng dengue; ang Apayao ng 819 kaso; Benguet, 778, kung saan apat ang namatay; Abra, 693; Kalinga 573, may isang pumanaw; Baguio, 384, isa ang namatay, at Mountain Province, 334 na may isang patay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?