43

Mar 12, 2020 @ 18:38
By

Dahil sa COVID, mga pasahero sa MRT-3 bumaba

Dahil sa takot sa banta ng coronavirus disease (COVID-19), nabawasan na ang bilang ng mga sumasakay sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Ayon kay Engr. Mike Capati, Director for Operations ng MRT-3, bumagsak sa 240,000 ang daily average ng mga pasahero mula sa mahigit 300,000 noong mga nakaraang linggo.

Aniya, ang kanselasyon ng mga klase sa pampubliko at pribadong paaralan sa lahat ng antas ang isa sa mga dahilan ng malaking bawas na ito ng mga pasahero.

At bilang tugon sa mga ipinatutupad na precautionary measures, nagagamit na ang mga thermal scanner sa ilang istasyon ng tren habang kasalukuyang idini-deliver ang iba pa.

Nabatid na drum-drum na ring mga alcohol at hand sanitizer ang inorder ng MRT-3 upang mayroong pangmatagalang maibibigay sa mga pasahero.

Nagsasagawa rin ng disinfection sa mga bagon ng tren kapag ito ay darating sa mga dulo o huling istasyon ng tren bago muling pasakayin ang mga pasahero.

Namahagi rin ng mga face mask at surgical glove ang pamunuan ng MRT-3 sa kanilang mga empleyado at guwardya na frontliner sa mga pasahero.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?