150
ABANTE-TNT battery car fight jeep
Jan 9, 2018 @ 8:57
By

Dahil sa baterya ng sasakyan, binyagan nauwi sa bugbugan

Sa halip na kasiyahan ay nauwi sa kaguluhan ang idinaraos na binyagan at kaarawan ng magtiyuhin nang pagtulungan silang bugbugin ng apat na kalalakihan na nag-ugat sa nawawalang baterya ng isang owner type jeep sa Saturn Lane, Mercurio St., Brgy. Mabayuhan sa Olongapo City.

Nalagas ang ngipin at pumutok ang labi ng nakakabatang biktimang si John David, 27, habang naka-confine naman sa James L. Gordon Hospital ang tiyuhin nitong si Rafael Baltazar, sanhi ng mga tinamong pasa sa mukha at bugbog sa katawan matapos paluin ng tubo at dos-por-dos na kahoy.

Ipinadampot naman ng mga kaanak ng biktima sa mga rumespondeng tauhan ng Police Station 5 (PS-5) sina Balong Delos Reyes, at Ferdie Velasco, habang nakatakas naman ang magkapatid na sina Ronnie, at Christian Velasco.

Sa panayam ng Abante kay Liezel na kaanak ng mga biktima, bandang alas-8:30, kamakalawa ng gabi, nang pumasok ang mga Velasco sa kanilang compound na may mga bitbit na tubo at pamalong kahoy at nagkaroon ng komprontasyon kaugnay sa nawawalang baterya ng owner type jeep ni Ferdie.

Nakiusap umano si Baltazar kay Ferdie na pag-usapan na lang sa ibang araw ang problema subalit binalya ng huli ang matandang kaanak ng una dahilan upang suntukin ni Baltazar si Ferdie at dito na sumiklab ang kaguluhan.

Nawawala umano ang baterya ng naturang dyip na pag-aari ni Ferdie kung saan ay pinaghihinalaan na ang nakababatang biktima na si John umano ang kumuha. (Jojo Perez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?