121

By

Dahil sa aso: Caregiver tinarakan ng patalim sa ulo

Himalang nabuhay ang isang babaeng caregiver makaraang tarakan ng patalim sa ulo ng anak ng kaniyang pinagsisilbihang matanda nang magtalo sa alagang aso sa Quezon City nitong Lunes ng umaga.

Batay sa inisyal na report kay P/Lt. Col. Louise Benjie Tremor, hepe ng QCPD Kamuning Police Station 10, ligtas na sa tiyak na kamatayan ang biktimang si Jennilita Viran, 54, tubong Atimonan, Quezon at stay-in caregiver sa V. Luna Road, Brgy. Pinyahan, QC, matapos na magamot sa East Avenue Medical Center.

Agad ding isinugod sa ospital ang suspek na si Edwardo Ferdinand Go, 48, residente rin ng V. Luna St., at patuloy pang inoobserbahan ang kondisyon sa St. Luke’s Hospital dahil sa ininom na gas.

Siya ang anak ni Roberto Go, 93, na inaalagaan ni Viran.

Sa imbestigasyon ni PSSgt. Remie Villareal, alas-siyete ng umaga (June 24) nagtalo sina Viran at batang Go dahil sa alagang aso ng biktima.

Sa gitna ng pagtatalo ay kumuha ng patalim ang suspek at walang sabi-sabing ibinaon sa ulo ni Viran at duguan itong tumumba kaya agad na isinugod sa ospital ng kasamahan sa bahay.

Habang ang suspek ay mabilis na tumakbo sa loob ng kaniyang silid, nagkulong sa kanyang kuwarto at nagtangka pang magpakamatay matapos na uminom ng gas.

Bukod dito, tinangka pa umanong sunugin ng batang Go ang kanilang bahay nang buhusan ng gas ang ilang bahagi nito subalit napigilan ng mga kasamahan sa kanilang tahanan.

Nakatakda namang kasuhan ng frustrated homicide ang suspek paglabas nito sa ospital.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?