71

Dec 22, 2019 @ 18:59

Dahil sa ASF, mga hog raiser bawas-alaga

Nagbabawas ng mga alagang baboy ang mga hog raiser bilang tugon sa pagtama ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.

Ayon sa United States Department of Agriculture (USDA), nawawalan ng gana sa negosyo ang mga magbababoy dahil sa bumababang demand sa baboy at sa pahirapang pag-transport nito dahil sa mga quarantine restriction.

Ayon sa USDA Global Agricultural Information Network (GAIN) report nung December 16, 2019, hindi na nagpapalit ng mga inahin ang mga hog raiser at sadya nilang pinabababa ang kanilang imbentaryo.

Pinakamalaki ang tama ng ASF sa Central Luzon at sa Calabarzon na halos 30% ng mga baboy sa bansa ay nasa dalawang rehiyon na ito, sabi sa report.

Sa Central Luzon, nabawasan ang pork production nung July hanggang September nang 1.5% samantalang tumaas naman ang production sa Calabarzon dahil nagmadali nang magkatay ang mga magbababoy sa takot na tamaan pa ang kanilang mga alaga ng ASF.

Sabi ng USDA GAIN report, narinig nito sa kanilang mga contact na sadyang binabawasan ng mga malalaking babuyan ang kanilang imbentaryo at hindi na kumukuha ng mga bagong inahin sapagkat marami nang nagbabawas ng pagkain ng baboy.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?