15

Nov 18, 2021 @ 14:15
By

Dahil kay Lorenzana: Senado naghigpit sa health protocol

Hihigpitan ng Senado ang health protocol sa mga resource person at guest dahil sa suspensiyon ng deliberasyon ng badyet matapos magpositibo sa coronavirus si Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Sa bagong advisory na inisyu nitong Nobyembre 17, oobligahin ang mga bibisita sa Senado ng negative COVID-19 RT-PCR result na valid sa 24 oras mula sa araw na kinuha ang specimen.

Bago ito, sinabi ni Senate Sergeant-At-Arms retired Major General Rene Samonte, required sila sa 72-hour na valid negative RT-PCR test.

Oobligahin din ng Senado ang mga bisita nito na magdala ng medical certificate na valid sa loob ng 24 oras, na naglalaman na ang guest ay negatibo sa COVID-19 symptoms.

Kailangan din umanong magprisenta ang guest na fully-vaccinated na COVID-19 vaccination card. Ang mga requirement na ito ay isusumite sa medical staff on duty sa araw na iyon.

Bukod dyan, oobligahin din na ibigay ang mga pangalan ng visitor, guest at resource person, isang araw bago ang nakatakdang pagbisita ng mga ito sa Senado.

Nitong Huwebes, sinupinde ang deliberasyon ng 2022 national budget na nakatakda sanang tapusin araw ng Biyernes.

Ito’y matapos magpositibong muli si Lorenza sa coronavirus matapos dumalo sa deliberasyon ng panukalang pondo ng Department of National Defense noong Martes.

Sabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, lahat ng taong nagkaroon na kontak kay Lorenza noong Martes ay isasailalim sa self quarantine at isasailalim sa Covid-19 test limang araw matapos ang exposure ng mga ito.

Ang mga senador naman na nakausap ni Lorenza noong Martes ay pawang nag-negatibo sa antigen Covid-19 test.

“Fortunately, we were all negative as of last night. But as a precaution, we had decided to cancel all the budget deliberations today so as not to expose the other departments from possible COVID-19 and to allow the Senate to be disinfected and all the members and staff to quarantine and be PCR tested after five days of exposure,” sabi ni Zubiri. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?