6

Oct 21, 2020 @ 16:04
By

Dagsang kapulisan sa libing ni Baby River trabaho lang – PNP chief

Ginagawa lang daw ng pulisya ang trabaho nila sa libing ng anak ni political prisoner Reina Mae Nasino, ayon sa hepe ng Philippine National Police (PNP).

Kumpara sa maraming netizen at celebrity, walang nakitang mali si Police General Camilo Cascolan sa napakaraming pulis na bumarikada, pumalibot, at tumutok sa huling sandaling kapiling ni Nasino ang yumao nitong tatlong-buwang gulang na anak na si River.

“Well, situations are different from each other. Alam n’yo po, ang pulis natin, magreresponde lang naman ‘yan depende sa sitwasyon,” sabi ni Cascolan sa mga reporter, Oktubre 21.

“Gusto po nating mapaigting ang ating ginagawang mga activity para ma-prevent po natin ang kriminalidad. Ginagawa lang po ng pulis ang kanilang trabaho,” giit niya pa.

Ayon sa kampo ni Nasino, nasa 43 jail at police officers ang “nang-hijack” sa libing ni River at “pinagkait” sa bilanggo ang huli at tangi nitong pagkakataon para mailibing ang anak.

Ito’y nakasaad sa manipestasyon ng nasabing kampo sa Manila Regional Trial Court Branch 47, kung saan idinidetalye ang “cruel, inhuman and degrading treatment” ng Bureau of Jail and Penology Management at PNP kay Nasino sa nasabing paglilibing.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?