9

By

Dagdag-singil ng Maynilad, pinalagan ng Gabriela

Sharing is caring!

Umalma ang grupong Gabriela sa panibagong dagdag-singil ng Maynilad sa harap ng mataas nang presyo ng bigas at iba pang mga bilihin.

Ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas, dagdag-pasakit na naman ito sa mga Filipino lalo na sa kababaihan na pilit pinagkakasya ang kakarampot na budget ng pamilya.

“Kung tutuusin, walang makatwirang batayan ang rate rebasing at foreign currency adjustment dahil tinitiyak lang nito ang tubo ng mga pribadong negosyo sa likod ng Maynilad,” sabi ni Brosas.

“Pinatunayan din sa ilang pagsisiyasat na ikinakarga ng concessionaires ng MWSS ang kanilang buwis, gastos sa mga proyekto at maging operating expenses sa rate rebasing na pinapasan ng ordinaryong Filipino,” dagdag ng kongresista.

Inaprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang petisyon ng Maynilad para sa P5.73 kada cubic meter na pagtaas na hahatiin sa loob ng 5 taon para sa rate rebasing, at P0.11 para sa foreign currency differential adjustment (FCDA) simula Oktubre.

Ibig sabihin, magbabayad ng dagdag na P7.84 ang mga pamilyang kumokonsumo ng 10-20 cubic meters kada buwan, at karagdagang P16.36 naman para sa mga kumokonsuma ng 20-30 cubic meters kada buwan.

Dahil dito, muling igigiit ng Gabriela sa Kamara na dinggin na ang House Resolution 1363 na naglalayong imbestigahan ang concession agreement ng MWSS sa Maynilad at Manila Water na ugat ng dagdag-singil sa tubig.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?