749

Nov 28, 2017 @ 17:53
By

Dagdag sahod sa mga sundalo’t pulis, abot-kamay na

Malapit nang pagtibayin ng Kamara ang panukalang batas na magpapataas sa sahod ng mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel ng gobyerno.

Itoý matapos aprubahan ng House appropriations committee ang House Joint Resolution No. 18.

Ayon sa chairman ng komite na si Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles, agad na itong isasalang sa plenaryo para maaprubahan sa susunod na linggo o bago mag-recess ang sesyon ng Kongreso sa December 13.

“Wala naman akong nakikitang magiging problema sa plenaryo dahil lalong lalo na ito ay sponsored ni Speaker Alvarez pati na ng majority leader at minority leader, at suportado ito todo-todo ng Kongreso,” sabi ni Nograles.

Mismong liderato ng Kamara ang nagsusulong ng panukalang umento sa sweldo ng mga sundalo at uniformed personnel para matapatan ang kritikal nilang papel sa pagpapanatili ng seguridad at kapayapaan sa bansa.

Sakop ng panukala ang mga sundalo, pulis, mga taga-Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, Philippine Public Safety College, Philippine Coast Guard at National Mapping and Resource Information Authority.

Kung mapagtibay, aabot ng 58.7% ang itataas sa sahod ng mga nasa nabanggit na ahensiya.

Tinatayang 63.4 billion ang kakailanganin ng gobyerno para pondohan ang umento.

Pero hahatiin sa dalawang tranche ang pagpapatupad nito sa 2018 at sa 2019.

Itinatakda naman ng panukala na hindi maapektuhan ng umento sa base pay ng mga sundalo at uniformed personnel ang indexation ng pension lalo na ng nasa Armed Forces of the Philippines (AFP). (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?