25,320

By

Dagdag-sahod sa mga guro, ikinakasa na ng Malacañang

May naghihintay na magandang balita para sa mga guro ngayong taon, partikular sa kanilang hirit na dagdag na sahod.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos matanong kaugnay sa paniniktik umano ng Philippine National Police sa ilang miyembro ng Alliance of Concerned Teachers o ACT.

Sinabi ni Panelo na malambot ang loob ng Pangulo sa mga guro kaya walang dahilan para i-surveillance ang mga ito.

Sa katunayan ani Panelo ay may naghihintay na bagong dagdag-sahod sa mga pampublikong guro.

Nabanggit aniya ni Budget Secretary Benjamin Diokno na ilang buwan mula ngayon ay madaragdagan ang take-home pay ng mga ito.

“This President is sensitive to their needs. In fact, he wants to increase their salaries. And if understand from Secretary Diokno, a few months from now there will be a new salary hike for them,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na napapraning lang ang ilang lider ng ACT lalo na at identified sila bilang leftist organization.

Wala aniya siyang alam na dahilan para patiktikan ang mga ito, maliban na lamang kung may ebidensiya ang mga awtoridad na nag-uugnay sa ACT sa mga ginagawa ng mga makakaliwang grupo na sumisimpatiya sa kilusang komunista.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?