40

Dagdag-sahod, may pondo kahit reenacted ang budget – Andaya

Merong P100-billion Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) sa ilalim ng reenacted 2018 national budget na maaaring gamitin ng Department of Budget and Management (DBM) para sa fourth tranche ng salary increase ng mga kawani ng gobyerno.

Ayon kay House Majority Leader Rolando Andaya, doble pa ang naturang halaga kumpara sa panukala sa ilalim ng 2019 budget kaya walang dahilan para maantala ang release ng umento sa sahod.

“Besides, who says we need to use the full amount during the reenacted period? That budget is for the entire year. Halos isang buwan lang mahigit ang tatagal ng reenacted period o baka mas maikli pa. Ito lang ang kailangang gastusan ng DBM,” punto ni Andaya.

Pinagsabihan ng kongresista si Budget Secretary Benjamin Diokno na huwag gamitin ang unconstitutional na non-release ng dagdag na sahod ng mga guro, sundalo, pulis at iba pang empleyado ng pamahalaan sa pag-iwas nitong sagutin ang kuwestyonableng budget practices at multi-bilyong pisong flood control scam.

Binigyang diin nito na ang release ng pay hikes ay hindi nakadepende sa General Appropriations Act (GAA) kundi sa hiwalay na batas na ginawa ng Kongreso at inisyu mismo ng Presidente.

“Their annual implementation as prescribed by law cannot be suspended by the whims of one man,” ani Andaya.

“Hindi niya pera ito. Pera ito ng mamamayan. Our civil servants deserve the salary increase due them this year. Pay them now, not later. Kailangan ng mga kababayan natin ang bawat pisong ayuda na maibigay ng gobyerno,” dagdag ng mambabatas.

Samantala, kumpiyansa si Andaya na agad maaprubahan ang 2019 national budget sa pagpapatuloy ng sesyon ng Kongreso sa Lunes. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?