26

Nov 21, 2021 @ 17:56
By

Dagdag-pondo sa DepEd, SUCs tinutulak ng Senado

Isinusulong ng Senate Committee on Finance na dagdagan ang parte ng Department of Education (DepEd) at State Universities and Colleges (SUCs) sa panukalang P5-trilyong national budget para sa 2022.

Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng Senate finance panel, ang dagdag-pondo ay bunsod ng inaasahang posibleng pagpapalawig ng face-to-face classes para sa mas maraming mga eskuwelahan sa susunod na taon.

Sabi ng Angara, walang partikular na alokasyon sa panukalang national budget para sa paghahanda at implementasyon ng face-to-face classes sa basic at higher education institutions (HEIs).

“In response to the pilot implementation of face-to-face classes, the committee saw it fit to recommend increases in the budgets of the DepEd and SUCs,” sabi ni Angara.

“Sisiguraduhin natin na ligtas ang ating mga mag-aaral at mga guro at simulan na sa mas madaling panahon ang pag-aaral ng mas marami pang estudyante sa loob ng silid-aralan,” dagdag nito.

Sinimulan na ng DepEd noong Lunes ang pilot implementation sa face-to-face classes sa 100 pampublikong paaralan at sisimulan na rin ito sa 20 pribadong paaralan sa Nobyembre 22.

Sabi ni Angara, dapat bigyan funding support ang DepEd at lahat ng SUCs lalo na’t inaasahang dadami pa ang mga paaralan na magbubukas ang klase sa susunod na mga buwan.

Nauna nang sinabi ng senador na magdadagdag ang Senado ng P1 bilyon sa 2022 budget ng SUCs at mga pampublikong paaralan sa 2022 para maisaayos ang kanilang mga pasilidad para sa pagbabalik ng face-to-face classes at nang sa gayon ay makasunod sa minimum health at safety standards.

Ayon pa kay Angara, ang dagdag pondo ay maaaring gamitin sa pagbili ng mga suplay at iba pang kagamitan para sa implementasyon ng safety protocols at standards.

“We want to give them some degree of flexibility in the use of the funds since each institution would have different needs,” ani Angara.

“This is why we included in the menu of programs—assistance to the students, teachers and staff for their transportation requirements, which include the purchase of non-motorized forms of transportation such as bicycles,” diin nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?