33

Oct 4, 2021 @ 20:25
By

Dagdag pondo para sa livelihood program, hirit ni Legarda

Umapela si Deputy Speaker at Antique Rep. Loren Legarda sa Kongreso na dagdagan ang pondo para sa livelihood program ng mga pamilyang nasa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sinabi ni Legarda na kulang ang P191.4 bilyon na inilaang pondo para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng P5.024 trilyong budget para sa 2022.

“Dapat nating tandaan na ang pag-ahon sa pandemya ay hindi lamang nakatuon sa suliraning pangkalusugan kundi pati na rin sa pangkabuhayan,” sabi ni Legarda.

Mayroon umanong 20 milyong mahihirap na Pilipino at 4 milyon dito ay miyembro ng 4Ps na nakadepende sa mga programa ng gobyerno gaya ng Sustainable Livelihood Program (SLP), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at Cash-for-Work Risk Resiliency Program.

Ayon kay Legarda, P4.86 bilyon lamang ang pondo sa ilalim ng SLP, ang livelihood program para tulungan ang mga benepisyaryo ng 4Ps na makaahon sa kahirapan.

Sa ilalim ng SLP ay maaaring bigyan ng P15,000 kapital ang isang pamilya upang makapagtayo ng maliit na negosyo gaya ng sari-sari store, shoe repair, poultry raising.

Maaari ring bigyan ng P5,000 ayuda ang isang indibidwal para asikasuhin ang kanyang mga papeles upang makapagtrabaho at para may panggastos ito sa loob ng 15 araw bago ang kanyang unang sweldo.

Sa pondong nakalaan sa SLP, nasa 8% lamang umano ng 4 miluyong 4P beneficiary ang matutulungan.

“For us to reduce chronic poverty and promote human capital development in the country, we have to augment DSWD’s budget especially for the allocation of these programs,” sabi ni Legarda.

Ayon kay Legarda hindi angkop ang inilaang pondo para matulungan ang mga mahihirap na pamilya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?