806

Oct 31, 2017 @ 11:51

Dagdag-pensyon ng PNP retirees, pang-sound bite lang — Lacson

Itinuturing ni Senador Panfilo Lacson na buladas ang pangako ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Dela Rosa na tataasan nito ng higit pa sa doble ang pensyon ng mga retiradong pulis.

Ayon kay Lacson, mabilis iyong sabihin pero mahirap tuparin dahil malaking halaga ang kailangan.

“Good sound bite. The hardest part is doing the math,” pahayag ni Lacson sa kanyang social media account.

Sa kanya raw pagtatanong sa Department of Budget and Management (DBM) at sa iba pang ahensya ng gobyerno, nabatid niya na trilyong piso ang kailangan at hindi lamang bilyun-bilyon.

 “T as in trillion as initial seed money. Other agencies say P6T or P9T even,“ dagdag pa ng senador.

Ayon pa sa mambabatas, kumikilos naman sila para madagdagan ang pensyon ng mga retiradong pulis, gayundin ang pensyon ng mga retiradong sundalo.

Sa katunayan, hiningan na niya ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga impormasyon ukol sa bilang ng mga sundalo at ng mga nakaretiro na.

Inaalam na rin sa Land Bank of the Philippines (LBP) kung ilan ang kumukuha ng ipinadadaan sa kanilang pensyon ng mga pulis at sundalo.

Una rito, sinabi ni Dela Rosa na kahit apat na beses, tataasan niya ang pensyon ng mga retiradong pulis kapag siya ay naging Pangulo para patunayan na may malasakit siya sa mga ito.

“May nagsasabi na ang mga retiree pinabayaan ni Bato. Nag-submit ng position paper sa Malacañang na hindi isama ang retirees sa increase next year,” ani Dela Rosa.

“Kung ako masunod triplehin ko ‘yan. Hintayin n’yo akong maging Presidente. Baka i-quadruple ko pa ‘yan. Hindi maganda na pinapakalat nila na kami daw ay pinabayaan ang retirees,” dagdag pa nito. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?