40

Jan 3, 2018 @ 16:39
By

Dagdag pasahe dahil sa TRAIN, ipapaubaya sa LTFRB

Ipinauubaya na ng Malacañang sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pag-aksiyon sa plano ng transport sector na magpatupad ng dagdag-pasahe dahil sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Dose pesos ang planong hingin ng mga tsuper ng jeep para sa minimum na pamasahe dahil sa mataas na presyo ng produktong petrolyo dulot ng bagong pagbubuwis.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi na trabaho ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagpasyahan ang mga ganitong petisyon dahil may mga ahensiyang may sakop sa ganitong usapin.

“It’s up to the administrative agencies concerned to rule on these petitions. It’s not the President himself that rules on these petitions. They would have to go to the LTFRB if they want a petition,”ani Roque.

Kasabay nito ibinasura ng Malacañang ang panawagan ng grupong Laban Konsyumer for government na magtalaga ng price czar para magmonitor sa epekto ng TRAIN lalo na sa mga produktong direktang tatamaan ng bagong pagbubuwis.

Ayon kay Roque, hindi na kailangan pang magtalaga ng price czar dahil mayroong ahensiyang gumagawa nito.

“I think that would be superflous because we already have the Department of Trade and Industry performing their task,” dagdag na pahayag ni Roque. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?