25

Jan 18, 2021 @ 13:44
By

Dagdag pahirap sa pandemya! Mali timing ng dagdag kontribusyon ng PhilHealth – JV Ejercito

Binalangkas ang Universal Health Care Law para makagaan sa buhay ng mga Pinoy, at hindi para maging dagdag alalahanin pa sa pagdagdag ng premium ng PhilHealth sa panahon ng pandemya.

Ayon kay dating Senador JV Ejercito sa panayam ng ‘Balitaan at Kumustahan’ sa Politiko Live, dapat ay nag-adjust ang state health insurer sa pagtataas ng kontribusyon.

Aniya pa, noong panahong pinag-aaralan ang UHC ay walang nakaaalam na tatama ang health crisis sa bansa.

“Siguro kung nasa Senado ako, ako po mangunguna na magsasabi sa PhilHealth na ‘Hindi po ‘yan ang pakay natin. Huwag po natin increase dahil ngayon po ay pandemya,'” lahad ni Ejercito.

Pinunto ni Ejercito na sa ngayon ay naghihirap ang mga kompanya at mga empleyado para mairaos ang buhay sa nararanasang pandemya.

“As the principal author of the Universal Health Care Law, I will not agree to any increases to contributions at this time while there is a pandemic,” saad pa ng dating mambabatas.

Matatandaan na dating inanunsyo ng PhilHealth na sila’y magtataas ng monthly contribution sa bawat empleyado, na mula 3-percent ay magiging 3.5 percent na magsisimula sana taong 2021.

Hinarang ito ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan suportado ang pagpapaliban ng increase habang mayroon pang pandemya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?