24

By

Dagdag na lugar na isasama sa plebisito, dinesisyunan na ng Comelec

Naisapinal na ng Commission on Elections (Comelec) ang mga lugar na pagdarausan ng plebisito sa Pebrero 6 para sa mga nais mapabilang sa isinusulong na Bangsamoro Autonomous Region sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law (BOL).

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, inaprubahan sa Comelec en banc meeting kahapon ang petisyon ng 28 barangay mula sa mga bayan ng Aleosan, Carmen, Cabacan, Pikit, Tulunan, Midsayap at Pigkawayan sa lalawigan ng North Cotabato na nais mapasailalim sa Bangsamoro Autonomous Region.

Ayon kay Jimenez, may kabuuang 103 petisyon mula sa ibat-ibang lugar pero tanging ang 28 lang ang tumugon at nagsumite ng mga requirement at naaprubahan.

Ang Pebrero 6 na plebisito ay para sa Lanao del Norte maliban sa Iligan City at sa mga bayan sa North Cotabato.

Ang unang plebisito ay sa Enero 21 para sa ratipikasyon ng BOL na isasagawa sa ARMM, Cotabato City at Isabela city.

Nalagdaan ang BOL bilang ganap na batas ni Pangulong Duterte noong July 26, 2018 pero kinakailangan pa itong dumaan sa plebisito kung saan pagbobotohan ng mga rehistradong botante sa mga lugar na balak saklawin ng Bangsamoro Autonomous Region kung nararapat ba itong ratipikahan o pahintulutan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?