27

Jun 4, 2020 @ 11:00

Dagdag na kaso sa 2 PUI detainee na tumakas, ipinasampa ni Isko

Inatasan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Manila Police District (MPD) na sampahan ng karagdagang kaso ang 2 PUI detainee na tumakas sa Delpan Quarantine facility na kalaunan ay naaresto at naibalik rin sa pasilidad ng mga pulis.

Kasabay nito, binantaan ni Moreno ang mga magsisinungaling sa tunay na kalagayan ng kanilang kalusugan at sa mga nagbabalak pang tumakas sa quarantine facility sa kung anong kadahilanan ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 11332 na nagsasaad ng ‘an act providing policies and prescribing procedures on surveillance and response to notifiable diseases, epidemics, and health events of public health concern.’

Tinukoy ng alkalde ang Section 9 (e) na magbabawal sa: “Non-cooperation of the person or entities identified as having the notifiable disease, or affected by the health event of public concern. Ang paglabag sa nasabing batas ay nangangahulugan ng multang mula P20,000 hanggang P50,000 o kulong mula isa hanggang anim na buwan o pareho, depende sa korte.

Gayundin, pinuri ni Moreno si MPD Director PBGen. Rolando Miranda dahil sa mabilis nitong pagkilos para mahanap at maibalik ang mga pugante na kinilalang sina Ceasar Adriatico, 25, No. 777 Int. 5, Pasig Line St., Sta. Ana, Manila na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 at Jerick Savallon, 19, Arselita St., San Andres, Manila na may kasong paglabagbsa RA7610 child abuse.

“’Pag ikinubli ninyo at may naapektuhan, kung kayo ay nanadya na malagay sa alanganin ang ibang tao, mananagot kayo sa umiiral na batas. ‘Yung dalawang tolongges na tumakas, may pending case na, madadagdagan pa,” ayon kay Moreno.

Dagdag pa niya, “Kung wala kayo sa medical institution, malalagay kayo sa alanganin. Hindi pwedeng self-medication dahil virus po ‘yan.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?