1,367

Jan 8, 2019 @ 11:54

Dagdag na buwis sa sigarilyo at alak, aprub kay Duterte

Madadagdagan ang kalbaryo ng mga mahilig manigarilyo at uminom ng alak matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dagdag na buwis para sa nasabing bisyo.

Nagbigay na ng go signal ang Pangulo para sa dagdag na excise tax sa sigarilyo at alak sa ginanap na cabinet meeting sa Malacañang.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang makukuhang dagdag na buwis sa alak at sigarilyo ay gagamitin para sa libreng pagpapagamot ng mga pilipino sa ilalim ng Universal Health Care Program.

Maaari rin aniyang ituring na health measure ang dagdag na excise tax sa alak at sigarilyo para mabawasan ang bilang ng mga namamatay sa labis na paninigarilyo at pag-inom ng alak.

“The Chief Executive approved the proposal of the Department of Health and the Department of Finance to increase the excise tax on alcohol and tobacco products. This is a key public health measure to reduce deaths and disabilities due to tobacco and alcohol consumption, and at the same time, a revenue measure to fund the universal health care program,” ani Panelo.

Batay sa House Bill 8677, aakyat sa P37.50 ang buwis kada pakete ng sigarilyo epektibo sa July 2019, mula sa kasalukuyang P32.50 kada pakete.

Bukod pa dito ang P2.50 dagdag na buwis kada taon hanggang 2022, habang 22 percent na ad valorem tax sa net retail price naman sa mga produkto ng alak, maliban pa sa 30 pesos na specific tax kada litro.(Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?