142

By

Dagdag kapangyarihan sa MMDA, umusad na sa Kamara

Sharing is caring!

Inaprubahan ng House Committee on Metro Manila Development ang draft substitute bill na naglalayong bigyan ng dagdag na kapangyarihan ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR).

Layon rin ng substitute bill na palakasin ang Metropolitan Manila Council (MMC) sa pagbuo ng mga polisiya, regulasyon at batas para sa Kamaynilaan.

Ang MMC ay ang governing board at policy-making body ng MMDA na binubuo ng mga alkalde sa mga lungsod at munisipalidad sa Metro Manila.

Nauna nang sinabi ng mga may-akda ng House Bills 4642 at 5057 na sina Quezon City Rep. Winston Castelo at Marikina Rep. Bayani Fernando na kadalasang inutil o walang silbi ang mga resolusyong ipinapasa ng MMC dahil may mga lungsod at munisipalidad na kumukuwestiyon o tumututol sa mga ito.

“It’s because the sanggunian (councils) in their respective localities question the legality of resolutions approved by the [MMC],” sabi ni Castelo.

“It (council) has no teeth. Whatever is provided by Metro Manila mayors, the contention of the councils and some mayors is that the laws need to first be passed by the councils,” paliwanag pa ng kongresista.

Sa ilalim ng panukala, itatrato ang Metro Manila na binubuo ng mga lungsod ng Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon, Mandaluyong, Manila, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Pasig, Quezon, San Juan at Taguig at ang munisipalidad ng Pateros, bilang special development and administrative region na nasa ilalim ng direktang pamamahala ng Presidente.

Ibig sabihin, ang MMDA na ang mamamahala sa mga serbisyo at proyekto sa buong Kamaynilaan partikular sa usapin ng basura, pagbaha, polusyon, traffic at informal settlers. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?