53
Sonny-Angara
Sep 23, 2018 @ 16:22

Dagdag-buwis sa eskuwelahan, ospital sa TRAIN 2, haharangan ng Senado – Angara

Hindi lulusot sa Senate Committee on Ways and Means ang isinusulong ng Malacañang na pagtataas ng buwis na ipinapataw sa mga eskuwelahan at ospital na nakapaloob sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) 2.

Binansagan ito ng Kamara na Tax Reform for Attracting Better and High-quality Opportunities (TRABAHO) Bill.

Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng kumite, hindi sila papayag na taasan ang mga buwis na ito lalo na ngayong kailangang kailangan ng ayuda ng mahihirap na nag-aaral at nagpapagamot.

Sa TRAIN 2, maingay na isinusulong ng Malacañang na ibaba ang corporate income tax mula 30 porsyento hanggang 20 porsyento at tatapyasan naman ang fiscal incentives ng mga foreign at local business.

Sinabi ni Angara na hindi napagtutuunan na gusto rin dito ng Malacañang na itaas ang buwis ng mga eskwelahan at ospital mula 10 porsyento tungong 30 porsyento.

“Yan ang sinasabi nating hindi napapanahon. For the last 50 years, itong educational institutions, 10 percent lang ang binabayaran. Kung tataasan pa, ipapasa lang yan sa mga estudyante,” ayon sa senador.

Idiniin ng senador na ginawa nila ang batas para sa libreng matrikula at scholarship grants sa mga estudyante para maging abot-kaya ang pag-aaral at kabaligtaran nito ang pagtataas ng buwis na magpapataas naman muli sa matrikula.

Ganundin umano sa mga ospital na ginagawan ng batas para libre na ang lahat sa ilalim ng Universal Health Care bill pero pinag-iinitan naman ngayon na taasan ang kanilang buwis. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?