402

Jan 3, 2018 @ 16:19
By

Dadaanan ng prusisyon ng Nazareno, ininspeksiyon ng MPD

Nagsagawa ng inspeksiyon ang ilang ospisyal ng Manila Police District (MPD) at Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church sa dadaanang ruta ng imahe at ng mga deboto.

Sina MPD Director Joel Coronel at Monsignor Hernando Coronel, rector ng Quiapo Church, ang nanguna sa pag-inspeksiyon kasama ang Department of Public Works and Highways.

Isinagawa ang inspeksiyon mula sa Quirino Grandstand sa Rizal Park hanggang sa P. Burgos Street.

Nabatid na ngayong taon maiiba ang ruta ng prusisyon, sa halip na dumaan sa eastbound lane ng P. Burgos at Lagusnilad, idadaan na ito sa westbound lane ng P. Burgos.

Ayon kay Director Coronel, dahil sa inaasahang dami ng mga dadalo sa prusisyon, mas magiging ligtas kung iiwasan ang Lagusnilad.

Kailangan din aniyang ma-clear ang anumang road obstructions sa dadaanan ng traslacion.

Kabuuang 5,700 na mga pulis ang ipakakalat para magbigay ng seguridad sa Pista ng Itim na Nazareno.

Samantala, pinayuhan naman ni Msgr. Coronel ang mga buntis at may sakit sa puso na deboto na huwag nang makilahok sa traslacion para sa kanilang kaligtasan. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?