56
D-League: Che'lu nilampaso ang McDavid para sa back-to-back win
By ,

D-League: Che’lu nilampaso ang McDavid para sa back-to-back win

Mga Laro sa Marso 26:
(JSCGO Gym, Cubao)

2:00 PM – Petron-Letran vs. Family Mart-Enderun College
4:00 PM – Perpetual Altas vs. Wangs Basketball

Patuloy ang pagpaparamdam ng last season’s runner-up na Che’lu Bar and Grill Revellers sa 2019 PBA D-League matapos nitong iposte ang kanilang back-to-back win kontra McDavid, 109-99, Lunes sa JSCGO Gym sa Cubao.

Kinapitan ng Revellers si dating University of Visayas stalwart Rey Suerte na pumoste ng 26 puntos at limang rebounds habang bumakas naman ng 15 puntos at 13 rebounds si Chris Dumapig.

Napanatili ng Revellers ang kapit sa top four spot ng Aspirants Group bitbit ang 3-1 win-loss record habang nangungulelat pa rin ang McDavid hawak ang 0-4 na baraha.

“Hopefully (magtuloy-tuloy ‘yung streak) kaso ang problema is our schedule ang haba kasi ng break namin. Ang last game namin is 10 days ago tapos ang next na laban namin is after three weeks pa. Ang hirap kasi i-practice ‘yung mga players kung ang haba ng time,” ani Revellers coach Stevenson Tiu.

Bagaman nalampaso nila ang McDavid, aminado si Revellers coach Stevenson Tiu na naging kampante ang kanyang mga bata kaya nagawang malusaw ang 20 puntos nitong bentahe lalo na sa 3:03 fourth quarter kung saan naibaba sa walo ang abante nito, 101-93.

“Kailangan i-address namin ‘yun against stronger teams or faster teams, ‘yung mga school teams I don’t think we can with this kind of game. Siguro kailangan namin pag-usapan ‘yan sa next practice namin,” dagdag nito.

Sa mga unang minuto pa lang ng laro ay arya na sa tuktok ang Che’lu at agaran nitong naiposte ang 19 na kumportableng bentahe, bago tapusin ang first half tangan ang 69-49 na kalamangan.

Nagawa namang makabalik ng McDavid sa pagsasabwatan nina Jerwin Gaco, James Martinez at Jason Melano pero hindi ito sapat para manakaw pa nila ang laro mula sa Che’lu.

Nanguna sa McDavid sina Gaco at Melano na may tig-20 puntos para sa kanilang koponan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?