106

Nov 30, 2017 @ 11:12
By

Customs police, ‘off-limits’ na sa terminal gate – Lapeña

Ipinag-utos ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Isidro Lapeña ang agarang pagpapaalis sa mga nakatalagang customs police at gatekeepers sa mga terminal gate.

Ito ay matapos ang kanyang ginawang pag-iinspeksypn sa Manila International Container Port (MICP) kung saan may mga nakatalagang Customs gatekeepers ng Pier and Inspection Division (PID) at customs police na bahagi ng Enforcement and Security Services sa mga terminal gates ng pantalan.

Ayon kay Lapeña, “redundant” o inuulat lamang kasi ng mga gatekeeper at customs police ang trabaho ng ibang kawani ng BOC.

Dagdag pa ni Lapeña, trabaho na rin ng mga port operators ang pag-iinspeksyon sa papasok at papaalis na mga container sa pantalan.

“What they actually do is redundant, because port operators already have a working system to check the entry and exit of containers. If the trucks are given the go-signal to leave the terminals, then we have to release them from the ports at once,” paliwanag ng hepe ng BOC.

Aniya, hindi na rin kailangan na busisiin ng mga gatekeeper ang dokumento ng mga container dahil bago mailabas ang kargamento mula sa pier ay nabusisi na ang mga dokumento nito.

Nabatid na ang mga port operators ay gumagamit na ng barcode scanning system na naglalaman ng detalye ng lamang kargamento ng mga container na minarkahan na ng “release” o pinapayagan nang makaalis ng pier.

Sinabi pa ni Lapeña na nakikipag-ugnayan na ang BOC sa mga port operator para sa ganap na pagpapatupad ng automated system sa mga terminal.

“I am also hearing negative feedback as to the alleged conspiracy among PID gatekeepers and ESS guards before cargoes are released at the gates. This has to stop immediately,” saad ni Lapeña.

Ang kautusang ito ni Lapeña ay ipatutupad sa apat na pilot ports kabilang na ang Ports of Manila at Port of Batangas na parehong ino-operate ng Asian Terminals, Inc., Port of Subic at MICP na ino-operate naman ng International Container Terminal Services, Inc. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?