20

Jul 19, 2021 @ 15:32
By

Cusi busy sa politika, taas kuryente napabayaan na – P4P

Binanatan ng electricity consumer group na Power for People Coalition (P4P) si Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi na masyado umanong abala sa politika kesa sa trabaho niya sa ahensiya.

Ani P4P Convenor Gerry Arances, sa sobrang busy ni Cusi ay napapabayaan na ang mahahalagang usapin tungkol sa kuryente.

“Tila baga siya ay napaka-busy ngayon sa pampulitikang usapin na naiiwan ‘yung mga mahahalagang usapin sa power industry,” lahad ni P4P Convenor Gerry Arances sa isang virtual power consumers assembly ngayong Lunes.

Dagdag ni Arances, mas mainam na bitawan na lamang ni Cusi ang DOE kung patuloy nitong babalewalain ang kanyang pagiging energy secretary.

Binanggit ni Arances ang “manufactured power crisis” sa mga peak month kaya lumiliit ang power reserve sa Luzon Grid, na nagreresulta sa mataas na singil sa kuryente.

“Sa bahagi po ng Meralco franchise area, a total of 50 cents [per kilowatt-hour] na sa apat na buwan na sunod-sunod na nagtataas ng kuryente ang Meralco. Ito po ‘yung period kung saan nakaranas ng thinning reserves, ng yellow alerts ang buong Luzon,” wika niya.

Hindi rin aniya pinarusahan ng DOE at Energy Regulatory Commission ang mga coal-fired power plant na hindi nakagawa ng kuryenteng obligasyon ng mga ito.

“Imaginin po natin ‘yan. Kung ganito na ang problema natin ngayon sa supply at hindi nareresolba ng DOE under their nose… baka hindi lang po ito ‘yung maranasan natin na pagtaas ng presyo ng kuryente,” giit pa ni Arances. 

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?