153

Jul 18, 2021 @ 17:04
By

Cusi bilang PDP-Laban president iligal – Pimentel

Iligal umano ang pagkakaluklok kay Energy Secretary Alfonso Cusi bilang bagong pangulo ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Ito ang mariing sinabi ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III, executive vice chairman ng partido, dahil nasipa na umano si Cusi bilang miyembro ng partido dahil sa kanyang ‘disloyalty’ sa PDP-Laban.

“Actually, sa mata ng PDP-Laban headquarters, expelled na si Secretary Cusi because of acts inimical to the best interest of the party, disloyalty to the party,” pahayag ni Pimentel sa panayam sa dzBB.

Matatandaang sinipa ng grupo ni Senador Manny Pacquiao, ang presidente ng PDP-Laban, sina Cusi bilang chairman at Melvin Matibag bilang deputy secretary-general dahil sa paglabag sa konstitusyon ng partido.

Nitong nagdaang Sabado naman ay nagsagawa ng national assembly ang paksiyon ni Cusi sa Clark, Pampanga kung saan tuluyan nilang tinanggal si Pacquiao sa kanyang puwesto at nahalal naman siya bilang bagong pangulo ng PDP-Laban.

Pero para kay Pimentel, “unauthorized’ umano ang nangyaring paghalal sa mga bagong opisyal ng partido sa pangunguna ni Cusi.

“Yung May 31, tapos July 16, 17, lahat po yun unauthorized. Kasi ang purpose talaga nila dyan palitan si party president Pacquiao. Nangyari na kahapon yung ultimate or one of the ultimate plans nila,” sabi ni Pimentel.

“I’m sure may nakatago pang baraha dyan sa plano nila. Sa dami ng meetings nila naka 3 meetings na sila, ni wala silang mabanggit na presidential bet nila sa 2022, so nakatago pa rin ang barahang yun eh,” dagdag pa nito.

Binigyang-diin ni Pimentel, hindi kinikilala ng PDP-Laban ang pagluklok sa bagong opisyal ng partido kahit si Pangulong Rodrigo Duterte, ang chairman ng partido, ang nagpanumpa sa kanila.

“Opo, kasi basically flawed yung pagtatawag eh. Magmula pa yan nung sa May 31, July 16 , 17, konektado lahat yun eh. Totally initsapwera ang party president [Pacquiao]. Papalitan nyo pala yung tao kaya di nyo sinama,” lahad ni Pimentel.

Paliwanag pa ni Pimentel na sa ilalim ng Konstitusyon ng partido, dapat tumulong ang presidente sa pagresolba sa problema ng grupo.

“Basta di sinama, eh according to our constitution, the party president should help in fixing the agenda kasi nga ulitin ko po, ang pinaka critical po sa party lalo na sa PDP-Laban is the party president,” ani Pimentel.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?