163
Curry sablay, Harden rumesbak! Rockets inisahan ang Warriors
May 5, 2019 @ 13:34
By

Curry sablay, Harden rumesbak! Rockets inisahan ang Warriors

Hindi pumayag ang Houston Rockets na malubog sa 3-0 deficit at inilipad ang panalo kontra sa Golden State Warriors sa kanilang Game 3 sa iskor na 126-121.

Rumesbak si Rockets star James Harden na nagtala ng 41 points, 9 rebounds, 6 assists habang nakisalo si Eric Gordon at humarabas ng 30 points.

Naging dikdikan ang laban na umabot pa sa overtime. Naging malaking bagay si Rockets forward P.J. Tucker na sa kanyang 7 points, apat dito ay sa overtime. Kanyang ibinitaw ang floater pagpasok ng overtime at siya ang buena-manong pumuntos.

Ang kanyang layup din ang nagpalamang ng 3 puntos sa Rockets dalawang minuto nalalabi. Nagmintis ang dalawang possession ng Warriors habang bumitaw ng three-pointer si Harden 49 segundo sa overtime na nagpalobo ng kalamangan sa anim, 124-118.

Naisalpak naman ni Durant ang tatlong free-throws nang ma-foul sa three-point area ni Austin Rivers na nagpababa muli sa tatlo ang kalamangan, 124-121.

Sinigurado naman ni Harden ang panalo at pagkuha ng bola ay bumitaw ng floater na swak na swak at nagbalik sa 2-possession lead, 126-121.

May tsansa pang makahabol ang Warriors nang makalusot si Stephen Curry sa depensa ng Rockets at nang tangkain nitong idakdak ang bola ay binutata ito ng ring na sumelyo sa panalo ng Rockets.

Tumapos si Curry ng 17 points habang si Kevin Durant ay may monster performance 46 points, 3 rebounds, 6 assists.

Si Draymond Green ay may triple-double 19 points, 11 rebounds, 10 assists. Si Andre Iguodala at Klay Thompson ay may tig-16 points.

Ang Game Four ay sa Lunes nang gabi (Martes sa Manila).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?