111

Oct 2, 2017 @ 14:56

Curfew ordinance sa QC, hinirit na baligtarin

Hinirit ngayon ng grupong Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) sa Korte Suprema na baligtarin ang nauna nitong desisyon na kumakampi sa ipinatutupad na curfew ordinance sa Quezon City.

Sa inihain nilang motion for reconsideration, hiniling ng SPARK sa High Court na ikonsidera ang kanilang desisyon noong Agosto 8 na nagdedeklara sa Ordinance No. SP 2301- 2014 or “Discipline Hours for Minors” ng Quezon City bilang “constitutional.”

Giit ng grupo, nabigyan ng maling interpretasyon ng SC ang Section 4(a ) ng QC ordinance na parehong nagbibigay ng exemption sa mga menor de edad na may pahintulot ng kanilang mga magulang na gumala sa curfew hours at sa mga kabataan na may kasamang magulang o guardian na siyang partikular na dapat na itinatakda ng ordinansa.

Mahirap anila na matukoy ng mga nagpapatupad ng curfew ordinance kung talagang may pahintulot ng mga magulang ang mga menor de edad na gumagala sa dis oras ng gabi.

“There is no way for law enforcers to determine the truth of such excuse,” ayon sa grupo.

Sakaling totoo rin na may pahintulot sila ng kanilang mga magulang, maaari rin anilang balewalain ito ng mga nagpapatupad ng curfew ordinance at ituloy ang paghuli sa mga menor de edad.

Ayon kay Jesus Falcis III, legal counsel ng SPARK, dapat amyendahan ng konseho ng lungsod ang probisyon sa exemption sa parental permission na hindi aniya nakasaad sa ordinansa. (Ma. Isabel Billiones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?