267

Oct 5, 2017 @ 14:47

Curfew ordinance sa Maynila mas magaan – Erap

Matapos ang desisyon ng Supreme Court (SC) na nagdeklarang “unconstitutional” ang curfew ordinance ng lungsod, magpapatupad ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng bagong ordinansa na ayon kay Mayor Joseph “Erap” Estrada ay hindi lalabag sa karapatan ng mga menor-de-edad at kanilang mga magulang.

Pangunahing layunin aniya nito na pangalagaan ang seguridad ng mga kabataan.

Tiniyak ni Estrada na mas magaan subalit mas epektibo at mahigpit ang ipatutupad na bagong curfew ordinance.

Ayon kay  Councilor Ricardo “Boy” Isip, Jr. (5th District), ang principal author ng panukalang curfew ordinance, pumasa na ito sa first reading bago mag-recess ang konseho noong huling linggo ng Agosto at nakatakda ng isalang sa public hearing ngayong Biyernes, Oktubre 6.

Sa panukala ni Isip, bawal lumabas ng kalsada o makita sa pampublikong lugar ang mga kabataang edad 17 pababa mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Ngunit hindi tulad ng City Ordinance No. 8046 na ipinasa noong 2002 sa panahon ng dating alkalde na si Lito Atienza, mas “relaxed” at “child-friendly” ang bagong curfew ordinance, ayon kay Isip.

Sa bagong ordinansa, ang mga magulang ng mga batang violator ang huhulihin at ikukulong dahil responsibilidad nilang tiyaking nasa loob ng tahanan ang kanilang mga anak sa loob ng curfew hours.

Samantala, ang mga mahuhuling menor-de-edad sa unang pagkakataon ay isu-surrender sa pinakamalapit na barangay hall, istasyon ng pulis, o opisina ng DSWD.

Doon ay agad ipatatawag ang kanilang magulang o guardian, papipirmahin sa isang notarized undertaking na may pangakong hindi nila pababayaan gumala sa labas ang kanilang mga anak sa gabi at pagkatapos ay agad din silang pauuwiin.

Sa second offense, pagmumultahin na ng P1,000 o papatawan ng 48-oras community service ang magulang o guardian; sa third offense, P3,000 multa naman at 72-oras na community service.

Sa ikaapat at mga susunod pa na paglabag, P5,000 na ang multang ipapataw sa magulang o anim na buwan na kulong at isang araw na seminar tungkol sa responsible parenting.

Gayunman, lusot sa ordinansa kapag ang bata ay may kasamang matanda o magulang; o galing ang menor-de-edad sa trabaho o night classes, o kahit anong opisyal na gawain na may kinalaman sa relihiyon at edukasyon.

Exempted din ang mga kabataang nautusan sa gabi na bumili ng gamot, tumawag ng doktor, midwife, o  pulis at barangay kapag may emergency.

Hindi rin huhulihin ang mga bata kapag may kasiyahan sa kanilang lugar tulad ng piyesta.

Sa inilabas na desisyon ng SC, sinabi nitong labag sa Juvenile Justice and Welfare Act ang ordinansa sa curfew ng Maynila at Navotas City. Bunsod ito ng petisyon na sinampa ng Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) na kumukuwestiyon sa legalidad ng ordinansa. (Ma. Isabel Billiones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?