30

Sep 20, 2021 @ 14:31
By

CSC nanawagang buksan bakanteng posisyon sa gobyerno

Inatasan ng Civil Service Commission (CSC) ang pinuno ng mga ahensya sa gobyerno na buksan at ilathala ang mga bakanteng posisyon sa gobyerno.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni CSC Chairperson Atty. Aileen Lizada na mayroong mahigit isang daang libong bakanteng posisyon sa gobyerno kaya dapat na mapunan ang mga ito.

Pinagsabihan ni Lizada ang mga pinuno ng ahensya na huwag ireserba ang mga bakanteng posisyon sa gustong pagbigyan, bagkus ay buksan ito sa mga taong kuwalipikado magtrabaho sa gobyerno.

“I am encouraging the heads of agencies, please fill up,open and publish. Huwag na ho tayong mag-reserve ng mga posisyon, ibigay natin based on merit and fitness,” ani Lizada.

Sa kasalukuyan aniya ay halos Job Orders (JOs) at Contract of Service (COS) ang mga nagtatrabaho sa gobyerno at hindi kinikilalang empleyado ng pamahalaan, hindi nakakatanggap ng karampatang suweldo at walang security of tenure.

Dapat aniyang buksan ang mga bakanteng posisyon sa gobyerno at isapubliko ito para hindi gawing rason na kulang ang trabaho at kulang ang mga tao sa gobyerno.

“Maraming job orders at contract of services na nasa gobyerno pero hindi kinikilalang government employee, yun ho ang masakit. Nasa loob na ho sila pero hindi natin sila kinikilala. There are 100 thousand plus unfilled positions in government. CSC cannot open those vacant position, it is the head of agency,” dagdag ni Lizada.

Kabilang aniya sa mga may bakanteng pwesto ay mga government owned and controlled corporations (GOCCs), state colleges and universities, local government units, government hospital at mga pangunahing departamento sa gobyerno.

“Lahat ng GOCCs, maraming unfilled position. Marami ang naghahanap ng trabaho kahit nasa state of calamity, government should respond, open up positions para maraming tumulong sa atin. Let us avoid yung sinasabing kulang ang trabaho, kulang ang mga tao, merong positions, just fill them up,” wika ni Lizada. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?