4,491

Oct 22, 2021 @ 19:49
By

Cristy Fermin tinalakan si Kylie: Hindi pa pinanganak magdidikta sa akin

Tinalakan ng showbiz columnist na si Cristy Fermin si Kylie Padilla, ilang oras matapos mag-post ang aktres ng direktang mensahe sa kanya.

“Hi Cristy Fermin. Alam ko kung sino source mo. Wag nyong hintayin mag salita ako tungkol sa inyo,” pahayag ni Kylie.

“Nag titimpi ako para sa mga anak ko. Tignan nyo mga mali nyo sa sarili nyo bago kayo manghusga ng ibang tao. Ano bang makukuha nyo sa pag sisira sakin? GROW UP. Ang tatanda nyo na,” patuloy niya.

Binura na ito ng aktres sa kanyang social media page.

Sa kanyang show naman na “Cristy Fer Minute”, kinuwestiyon ni Cristy kung bakit binura ni Kylie ang post.

Pinalagan din ni Cristy ang sinabi ng aktres na “GROW UP. Ang tatanda nyo na.”

“Kylie, alam mo. Hindi mo pupuwedeng manduhan ang mga manunulat kung ano ang kanilang sasabihin at ang kanilang susulatin. Katulad ko, ako’y isang kolumnista. Hindi mo ako puwedeng diktahan na kung ano lang ang gusto mong mabasa mula sa mga columns ko.

“Kylie bakit wala kang nakuha sa paninindigan ng ama mo? Kapag meron kang sinulat o sinabi, panindigan mo. Karapatan mo ‘yun eh. Sarili mo ‘yan eh.

“Isang araw Kylie, tatanda ka rin. Pero alam mo napakasarap tumanda na merong pinagkatandaan. Huwag kang nagagalit sa mga tao na sa palagay mo ay kumakampi sa kabilang panig.

“Kylie, hindi pa ipinanganganak ang artistang magmamando at magdidikta sa akin ng kung ano ang dapat ko lang sulatin at sabihin. Sorry sa‘yo, maling puno ang kinahulan mo. Maraming salamat sa’yo, Ms. Kylie Padilla-Abrenica.

“Kung gusto mo na puro maganda lang ang tungkol sa iyo ang mababasa mo. Magtayo ka ng sarili mong publication. Pero para panghimasukan mo ang buhay naming manunulat, panghimasukan mo ang trabaho ko sa hanay na kinabibilangan ko, hindi kita papayagan. Iisa lang ang puhunan namin, kung kayo ay kagandahan, kami ay kredibilidad. Hindi ko papanakaw sa’yo ‘yun, Kylie Padilla.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?