13

Jul 19, 2021 @ 12:39
By

Crew na COVID positive sa Albay, huwag pababain – DOH

Hindi na dapat pababain sa tugboat ang mga pahinanteng Pilipino na nagpositibo sa COVID, at dumating sa Albay mula Indonesia.

Ito ang mungkahi ni Department of Health (DOH) Undersecretary at Treatment Czar Leopoldo Vega kasunod ng inaasahang pagdating ngayong Martes ng mga pahinante sa Sto. Domingo Port sa Albay.

Ayon kay Dr. Vega, mahalagang matiyak na hindi maikalat ang dalang virus ng mga Pilipinong pahinante.

“Nasa Bureau of Quarantine po iyan. Kaya kung i-decide ho nila, eh di i-testing na lang sila doon sa barko. Mas mabuting quarantine measure yan para makasigurado na hindi kakalat. Ang importante, yung mga positive na yon kailangan talaga ma-quarantine wala talagang exemptions doon,” ani Vega.

Ang mga Filipino seamen na sakay ng M/V Tug Clyde at Barge Claudia ay may sakay na 20 crew at 12 umano sa mga ito ay positibo sa COVID-19.

Galing ang tugboat at barge sa Indonesia at dumaan sa Butuan port.

Sinabi ni Dr. Vega na mayroong travel restriction sa Indonesia kung saan mataas ang COVID cases kaya dapat na mahigpit na mabantayan ang mga Filipino crew na padaong sa Albay.

“May travel restrictions ang Indonesia. Kailangan talaga sa intense quarantine measures. Kung positive sila sa COVID, yung samples nila ipapadala sa Philippine Genome Center at titingnan kung mayroon talagang variant na bitbit ang mga pahinanteng Pilipino,” dagdag ni Dr. Vega.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?