82

Oct 19, 2017 @ 17:07

Crash exercise, isinagawa sa NAIA

Pinilit na ilapit sa katotohanan ang isinagawang Crash and Rescue Exercise o CREX 2017 ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Isang kunwaring eroplano na may sakay na 81 ang nag-crash at sumabog sa Runway 13 ilang minuto lang matapos itong lumipad patungo sana sa Clark International Airport sa Pampanga.

Unang rumesponde ang MIAA Fire Unit na agad binugahan ng chemically-treated liquid ang nagliliyab pang eroplano.

Kasunod nila ang rescue at medical teams gayundin ang mga sumaklolong tauhan ng Bureau of Fire at Philippine Coast Guard na gumamit pa ng helicopter.

Bagama’t nagliliyab pa, pinasok na ng mga rumespondeng bumbero ang eroplano para iligtas ang mga pasahero na naiwan sa loob maging ang mga pasahero na tumilapon palabas ng eroplanong nahati sa gitna.

Dumating na rin ang medical teams na agad umalalay sa mga nailigtas at unang sinuri ang mga pasahero na kritikal ang kondisyon.

May mga fire fighting at rescue units din mula sa kalapit na local government units ang rumesponde.

Sinaksihan ni Transportation Sec. Arthur Tugade ang pagsasanay at sinabi niya na nakakapanatag ng loob na malaman na may mga sapat na tauhan at kagamitan na magagamit sakaling magkaroon ng totoong pagbagsak ng eroplano sa NAIA.

Ang exercise ay bahagi ng requirement ng International Civil Aviation Office para sukatin ang kakayahan ng MIAA sa pagresponde sakaling magkaroon ng insidente o aksidente na kasasangkutan ng isang eroplano sa pangunahing paliparan ng bansa. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?